Ibabalik na ang excise tax sa liquefied petroleum gas (LPG) at kerosene matapos alisin ang pansamantalang suspensyon ng pamahalaan.
Ayon sa Bureau of Internal Revenue (BIR), epektibo nitong Hulyo 8 ang pagbabalik ng buwis sa dalawang produktong petrolyo matapos bumaba ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.
Sinabi ng BIR na batay sa Department of Energy (DOE), umabot sa 79.45 dollars kada bariles ang average na presyo ng Dubai crude oil mula Hunyo 1 hanggang Hunyo 30.
Dahil bumaba ito sa 80 dollars kada bariles, awtomatikong babalik ang excise tax sa LPG at kerosene.
Bago ang suspensyon, binubuwisan ng P3 kada kilo ang LPG at P5 kada litro naman ang kerosene.
Pansamantalang inalis ang buwis noong Abril upang makatulong na mapagaan ang gastos ng mga pamilya sa gitna ng pagtaas-baba ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East.
















