Ibinunyag ng beteranong direktor na si Joel Lamangan na kanyang ilalapit sa pelikula ang buhay ng yumaong National Artist at Superstar na si Nora Aunor, na pumanaw noong Abril 16, 2025 dahil sa acute respiratory failure.
Makakatrabaho niya sa proyekto ang premyadong manunulat na si Ricky Lee, na siyang nagsulat ng Himala—isa sa pinakabantog na pelikula ni Nora Aunor.
Sa isang emosyonal na Facebook post, inalala ni Lamangan ang kanilang mga pelikulang magkatuwang nilang ginawa tulad ng ”Muling Umawit ang Puso,” ”The Flor Contemplacion Story,” ”Bakit May Kahapon Pa?,” ”Sidhi,” ”Hustisya,” at ”Isa Pang Bahaghari.” Aniya, ang talento ni Aunor ay ”tunay at totoo,” at hindi bunga ng anumang acting workshop kundi ng kanyang sariling buhay at karanasan.
”In each of those films, Nora’s brilliance lit up every frame,” ani Lamangan. Inalala rin niya ang kanilang masinsinang diskusyon sa paggawa ng pelikula, kung saan palaging nagtatapos si Aunor sa pagsasabing, ”Ikaw na ang bahala, Direk. I trust you.”
Ipinahayag din ni Ricky Lee ang kanyang paghanga kay Aunor at kinumpirma ang kanyang partisipasyon sa biographical film.
Layunin ng pelikula na ilahad hindi lamang ang karera ni Aunor kundi pati ang mga pagsubok at tagumpay na kanyang hinarap—isang pagpupugay sa kanyang katatagan at katapatan bilang isang alagad ng sining.
Mababatid na nagsimula ang public viewing para sa Superstar noong Sabado, Abril 19, sa Heritage Park, Taguig na nagtapos ngayong araw ng Linggo, Abril 20. Habang nakatakda ang state funeral at paglilibing nito sa Libingan ng mga Bayani sa Abril 22 (Martes).
Sa nalalapit na biographical film, inaasahang mas lalong mapapalalim ang pag-unawa ng bagong henerasyon sa naiambag at naiwan ni Nora Aunor sa sining at kultura ng bansa.