Ipinaabot ng gobyerno ng Japan ang kanilang imbitasyon sa Pilipinas na makibahagi sa education development training matapos ang pakikipagpulong kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Duterte, ito ay kabilang sa mga napag-usapan sa kanyang pakikipagpulong kay Japan International Cooperation Agency (JICA) Chief Representative Sakamoto Takema sa kanyang tanggapan sa Mandaluyong City.
Ang Japan International Cooperation Agency ay ang sangay ng tulong ng gobyerno ng Japan.
Sa isang pagpupulong kay Takema, sinabi ni Duterte na hinarap din nila ang pagsulong ng Public-Private Partnership (PPP), koordinasyon sa mga local government units, at recruitment ng mga Japanese volunteer na magtuturo sa mga kabataang mga Pilipino.
Bukod sa edukasyon, ang nasabing ahensya ay nagsasagawa ng mga proyekto sa imprastraktura, kalusugan at panlipunang pagpapaunlad na kapaki-pakinabang sa mga Pilipino.
Una na rito, tinanggap din ni Duterte ang mga opisyal ng Japan education upang makita kung paano makakatulong ang Japan sa mga programang pang-edukasyon ng Pilipinas.