Nagbigay ang gobyerno ng Japan ng Php13.3 billion loan sa Pilipinas bilang pagsuporta sa ginagawang emergency response ng pamahalaan laban sa COVID-19.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), ito ay matapos na magpalitan ng diplomatic notes sina DFA Undersecretary Lourdes Yparraguirre at Japanese Ambassador Koshikawa Kazuhiko hinggil sa loan support ng nasabing bansa.
Layunin anila nito na makadagdag sa tulong na kinakailangan ng bansa sa pagsusumikap nito na makabangon mula sa naging epekto ng pandemya sa ekonomiya, at pagbuo ng public health at economic resilience laban sa mga future emergencies na kakaharapin ng bansa.
Magugunita na noong July 2020 ay nagpalitan din ng diplomatic notes sina Foreign Secretary Teodor Locsin Jr. at Japanese Ambassador Haneda Koji para sa loan assistance package na nagkakahalaga ng JPY50 billion na pinalawig pa ng Japan government para suportahan naman ang emergency response ng Pilipinas laban sa nasabing virus.