-- Advertisements --

Higit 18,000 na matatanda na may dementia sa Japan ang naiulat na umaalis ng kanilang mga tahanan at nawawala noong nakaraang taon at halos 500 sa kanila ang natagpuang patay.

Ayon pa sa mga ulat, ang mga insidenteng ito ay dumoble pa mula noong 2012, na nagpapakita ng tumitinding problema sa bansa na may pinakamataas na bilang ng matatanda sa buong mundo.

Ang krisis ay pinalalala pa ng pagbaba ng bilang ng mga manggagawa at mahigpit na limitasyon sa pagpasok ng mga banyagang caregiver. Ayon sa Health Ministry, tinatayang aabot na sa 14 trillion yen ($90 billion) ang gastos ng pamahalaan sa pangangalaga ng mga taong may dementia sa 2030, mula sa 9 trillion yen nitong 2025.

Upang tugunan ang problemang ito, tumutok ang Japan sa pag-develop ng mga teknolohiya kung saan gumagamit ang pamahalaan ng mga GPS-based tracking systems upang subaybayan ang mga taong may dementia na madaling mawala.

Napagalaman na may mga wearable GPS tags na nagbibigay-alam sa mga awtoridad kung lalabas ang isang taong may dementia sa ligtas na lugar, at may mga convenience store workers din na nakakatanggap ng real-time notifications para maghanap ng nawawalang tao.

Ang nasabing teknolihiya ay pinalalakas ng Artificial Intelligent (AI) upang matukoy ang mga maagang senyales ng dementia sa pamamagitan ng pagsusuri ng paggalaw at postura. Ito ay nagpapahintulot sa mga doktor na maagapan ang kondisyon ng mga taong mayroon nito at matulungan ang mga pasyente na manatiling aktibo nang mas matagal.

Samantala, ang mga humanoid robots tulad ng AIREC na binuo ng Waseda University ay ginagamit na rin upang tulungan ang mga matatanda sa mga simpleng gawain tulad ng pagsusuot ng medyas at pagluluto. Inaasahan ng mga siyentipiko na makakatulong din ang mga robot sa pagpapalit ng diapers at pagpigil sa bedsores.

Bukod dito, isang maliit na robot na tinatawag na Poketomo ay dinisenyo din upang magbigay ng emotional support, tulad ng pagpapalalaala sa mga gamot at pag-alaga sa mga taong nakakaranas ng social isolation.