-- Advertisements --

Nanawagan si José Cardinal Advincula sa mga mananampalataya ngayong Huwebes Santo na isabuhay ang kababaang-loob at malasakit sa kapwa sa gitna ng umiiral na mga sigalot sa buong mundo.

Sa Misa ng Huling Hapunan sa Manila Cathedral, sinabi niyang ang mga Katoliko ay dapat maging instrumento ng mabuting balita, tulay ng habag, at liwanag sa gitna ng karahasan.

Binigyang-diin niya na ang “sandata” ng mga mananampalataya ay hindi dahas kundi ang salita ng Diyos na nagbibigay-buhay at nagtuturo ng tunay na pakikipagkapwa.

Ayon pa sa kardinal, ang mga alitan ay nag-uugat sa pagmamataas, kalupitan, at kawalan ng paggalang sa isa’t isa, sa halip na diyalogo at pag-unawa.

Ang panawagan ng kardinal ay sa gitna ng tensyon sa Gitnang Silangan na kinasasangkutan ng United States, Israel, at Iran.

Samantala, 12 katekista ang nakibahagi sa paghuhugas ng paa bilang paggunita sa ginawa ni Hesu Kristo, isang paalala ng paglilingkod, kababaang-loob, at pagmamahalan.

Ipinagdiriwang sa Huwebes Santo ang Misa ng Hapunan ng Panginoon bilang pag-alaala sa Huling Hapunan bago ang kanyang paghihirap, kamatayan, at muling pagkabuhay.