-- Advertisements --

Naghain ng panukala si Parañaque 2nd District Rep. Brian Raymund Yamsuan na naglalayong obligahin ang mga lokal na pamahalaan (LGUs) na magsagawa ng konsultasyon dalawang beses kada taon kasama ang homeowners’ associations (HOAs) sa kanilang nasasakupan.

Sa ilalim ng House Bill 2582, layunin nitong mapalakas ang partisipasyon ng mahigit 24,200 rehistradong HOAs sa bansa sa pagbuo at pagpapatupad ng mga programa ng pamahalaan. 

Ayon kay Yamsuan, mahalaga ang papel ng HOAs dahil sila ang direktang nakakaalam ng tunay na kalagayan at pangunahing pangangailangan ng kanilang komunidad.

Iminumungkahi ng panukala ang pag-amyenda Republic Act No.9904 upang gawing obligasyon ang LGUs na magsagawa ng bi-annual public consultations para mangalap ng feedback, suhestiyon, at mga isyung dapat tugunan, kabilang ang mga proyekto at serbisyong lokal.

Nakasaad sa panukala, kailangang makipag-ugnayan ang LGUs sa mga HOA sa pagtatakda ng iskedyul ng pulong.

Dapat ding magbigay ng abiso at paunang agenda hindi bababa sa dalawang linggo bago ang konsultasyon, na gaganapin sa mga pampublikong lugar na madaling puntahan ng mga miyembro.

Inaatasan din ang LGUs na ilabas sa publiko ang dokumentasyon ng bawat pulong sa loob ng 30 araw matapos itong isagawa. 

Ang hindi pagsunod sa mga probisyong ito ay maaaring magresulta sa mga administratibong parusa alinsunod sa umiiral na mga batas.

Binigyang-diin ni Yamsuan na makatutulong ang regular na konsultasyon upang mapalakas ang tiwala sa pagitan ng komunidad at pamahalaan, mapabuti ang serbisyo publiko, at mapabilis ang koordinasyon lalo na sa panahon ng mga sakuna at emerhensiya. 

Idinagdag din niya na ang panukalang ito ay hango sa mga hinaing ng iba’t ibang HOA sa kanyang distrito, kung saan tinatayang may 30 rehistradong asosasyon na may kanya-kanyang pangangailangan.