-- Advertisements --

Nanawagan si Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David sa mga mananampalataya na ipanalangin ang kapayapaan sa Gitnang Silangan habang nagbabantay at sumasamba sa Kabanal-banalang Sakramento ngayong Huwebes Santo.

Ginawa niya ang panawagan sa paglilipat ng Kabanal-banalang Sakramento matapos ang Misa ng Last Supper o Huling Hapunan sa San Roque Cathedral sa Caloocan.

Hinikayat ng Kardinal ang mananampalataya sa tahimik na panalangin para sa mga apektado ng digmaan at sa iba pang lugar na dumaranas ng karahasan.

Aniya, dapat hilingin sa Panginoon na gisingin ang konsensya ng mga pinuno ng mundo upang pangalagaan ang mga sibilyan at mapagaling ang sugat ng digmaan, kasabay ng panawagan na manaig ang kapayapaan.

Mahigit 3,000 na ang napaulat na nasawi sa nagpapatuloy na digmaan sa rehiyon na nagsimula matapos ang opensiba ng Estados Unidos at Israel laban sa Iran noong Pebrero 28.