Sinibak na sa pwesto ang Jail Superintendent ng Caloocan City Jail, matapos ang madugong riot na ikinawi ng anim na preso at 33 ang sugatan.
Ayon kay BJMP Spokesperson JSupt. Xavier Solda nag assume na ngayong araw bilang Officer-in-Charge ng pasilidad si Jail Superintendent Lloyd Gonzaga matapos alisin sa pwesto si Jail Superintendent Neil Subibi dahil sa command responsibility.
Nananatiling naka heightened alert ang Caloocan City Jail matapos ang nangyaring riot kahapon na nagsimula lamang sa pikunan ng dalawang PDL hanggang lumaki na ito at naging away na sa pagitan ng dalawang malaking grupo.
Kinumpirma ni Solda na anim na PDL ang nasawi sa insidente habang 33 naman ang nasugatan.
Nakipag-ugnayan na ang pamunuan ng Caloocan City Jail sa pamilya ng mga nasawi.
Sinabi ni Solda, matapos naman ang dayalogo sa mga PDL, nagsagawa rin ng Greyhound Operations kagabi sa pasilidad upang linisin ang mga selda mula sa anumang kontrabando.
Aniya, mananatili muna ang karagdagang pwersa na inilatag sa pasilidad upang seguruhin ang kaayusan at katahimikan dito.
Pansamantala din munang itinigil ang anumang aktibidad sa pasilidad habang isinasagawa ng BJMP ang malalimang imbestigasyon sa pangyayari.
Ipinagutos na rin ni BJMP chief Jail Director Allan Iral sa pamunuan ng BJMP NCR ang pagpapabilis na maibalik ang normalidad sa loob ng Caloocan City Jail.
Sa kasalukuyan, tahimik at maayos na sa loob ng pasilidad.
Bagamat ikinalulungkot ng BJMP ang mga pangyayaring gaya nito, tuloy pa rin ang trabaho ng BJMP para isulong ang mga programang makatutulong sa mga kapatid nating nasa piitan.