-- Advertisements --

Personal na humarap ang ‘online personality’ na si Jack Argota sa isinagawang preliminary investigation ng reklamong kinakaharap sa Department of Justice.

Sinampahan kasi siya ng National Bureau of Investigation ng reklamong ‘cyber-libel’ sa ilalim ng Section 4(c)(4) ng R.A. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 kaugnay ng Article 353 at Unlawful Publication ng Article 154 ng Revised Penal Code.

May kinalaman ang mga reklamong inihain laban sa kanya nang i-post nito online ang umano’y pekeng ‘medical record’ ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Sa panayam kay Jack Argota, sinabi niyang naghain siya ng ‘counter-affidavit’ sa prosekusyon ngunit hindi na ibinahagi ang nilalaman nito.

Ayaw na aniyang magbahagi ng karagdagang impormasyon sapagkat nag-iingat upang hindi na raw makasuhan pa; pagtitiyak niya’y totoo naman ang lahat ng nakasaad sa salaysay.

Itinanggi naman ni Agorta na kanyang inamin peke ang ipinost ‘online’ habang mensahe niya sa mga tagasuporta na patuloy pa rin siyang pagkatiwalaan.