Hinamon ng isang ‘online personality’ na si Jack Argota si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na patunayan ito’y nasa maayos na kalusugan.
Hamon niya sa presidente na kung totoong malakas ang pangangatawan nito ay solusyonan na ang kinakaharap ng bansa na krisis sa gasolina.
Ito’y sa kabila ng personal na pagharap na mismo ni Pangulong Marcos Jr. sa midya, pagtakbo at pag-jumping jacks bago at pagkatapos magsagawa ng pulong balitaan.
Ngunit panawagan at mensahe ni Argota sa pinuno ng bansa na ito’y maawa sa mamamayan na lubhang apektado sa krisis.
Giit kasi niya’y miski siya na hindi mahirap ay danas rin ang epektong dulot sa pagtaas ng presyo sa produktong petrolyo kasabay ng hindi pa rin natutuldukan digmaan sa Gitnang Silangan.
Si Argota, isang online personality, ay maaalalang sinampahan ng National Bureau of Investigation ng reklamong ‘cyber-libel’ sa ilalim ng Section 4(c)(4) ng R.A. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 kaugnay ng Article 353 at Unlawful Publication ng Article 154 ng Revised Penal Code.
May kinalaman ang mga reklamong inihain laban sa kanya nang i-post nito online ang umano’y pekeng ‘medical record’ ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
















