Nananawagan si Sen. Aquilino Koko Pimentel III na iwasan na ng publiko ang sisihan kung may pagkukulang o mabagal ba ang mga precautionary measures kaya nalusutan ng 2019 novel corona virus (nCoV) o kilala rin bilang Wuhan coronavirus, kung saan isa na ang naitalang namatay na kasintahan ng unang kaso ng carrier ng nCoV.
Iginiit ni Pimentel na kahit ang mga malalaking bansa na mas malakas pa sa larangan ng siyensa ay nalusutan ng nCov tulad ng Estados Unidos at Japan.
Aniya, iwasan na sana ang sisihan, dahil ang mahalaga ay may protocol tayo sa ngayon at ginagawa na lahat ng makakaya ng ating pamahalaan upang hindi lumaganap ang naturang sakit.
Sa panig naman ni Senate President Vicente Tito Sotto III, aminado itong may kahirapan talaga na ma-detect agad ang carrier ng nCov.
Tulad aniya ng kauna-unahanag nagpositibo sa bansa na hindi direktang nanggaling sa Wuhan China kundi mula sa Hongkong kung kayat hindi dapat sisihin ng publiko ang gobyerno dahil ginagawa naman ang aksyon para mapigilan ang paglaganap ng sakit.