-- Advertisements --

Libo-libong Brexit supporters ang nagbunyi sa labas ng British parliament kasabay ng tuluyang pagkalas ng Britanya sa European Union.

Dakong-alas dose ng madaling araw kanina sa Britain nang pormal ng tinalikuran ng nasabing bansa ang nasa 27 bansa na saklaw ng EU.

Sa pre-recorded video message na ibinahagi sa mga supporters ng Brexit, inamin ni UK Prime Minister Boris Johnson na hindi magiging madali ang tatahaking daan ng Britanya.

Naiintindihan din umano ng prime minister ang nararamdamang pangamba ng kaniyang nasasakupan ngunit sinabi nito na ito na ang tamang panahon upang maging independent ang Britain.

Sa kabila nito, positibo pa rin si Johnson na sa pamamagitan ng naturang hakbang ay mas maipamamalas ng kaniyang bansa sa buong mundo ang tunay nitong potensyal na itinago sa loob ng 47 taon.

Sinabi rin nito na hindi dapat ituring na katapusan para sa Britanya ang pag-alis sa EU datapwat ay bagong panimula para sa kanilang bansa.