-- Advertisements --
Screenshot 2020 12 05 13 13 31

LEGAZPI CITY – Binabalik-balikan hindi lamang ng mga mag-aaral kundi maging ng mga indibidwal na hangad na matuto o magbasa ng libro ang isang itinayong reading hub sa Barangay Bololo, Guinabatan Albay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi ka y Kimberly Oraye, Teacher III ng Bololo Elementary School, tinatawag na ‘Bahay Kubooks’ ang naturang reading hub dahil isa itong bahay kubo o nipa hut na ginawang mini library.

Target ng naturang proyekto na maging productive ang mga mag-aaral habang nasa ilalim ng community quarantine o habang hindi pa naibabalik ang modular learning dahil sa sunod-sunod na kalamidad.

Dinala rin dito ni Oraye ang mga libro sa kanyang classrooms upang mapakinabangan ng mga estudyante matapos matengga dahil sa pagbabawal ng face-to-face classes dulot ng pandemya.

Labis naman ang kasiyahan ng guro dahil hindi lamang mga mag-aaral ang naka-appreciate nito kundi maging ang mga magulang at iba pang residente ng barangay.

Sa katunayan maging ang mga tricycle driver sa lugar nagiging libangan na rin ang pagbabasa ng libro habang naghihintay ng pasahero.

Kasabay nito, mahigpit naman na ipinapatupad sa naturang reading hub ang mga health protocols laban sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).