-- Advertisements --

Posible raw na isa sa mga tatalakayin sa ipinatawag ng Commission on Elections (Comelec) na press conference dakong alas-9:00 ngayong umaga ang isyu ng umano’y tumalbog na cheke ng Vote Pilipinas sa Sofitel Philippine Plaza hotel kung saan idinaos ang nagdaang dalawang debate para sa presidential at vice presidential candidate.

Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, kailangang abangan na lang daw mamaya ang anunsiyo ng poll body kung ano ang pag-uusapan sa presscon.

Sinabi naman ni Garcia na sa naturang venue pa rin gaganapin ang debate pero hindi na ito nagbigay pa ng detalye.

Una rito, lumabas ang mga report na nagbanta umano ang pamunuan ng naturang hotel na sususpendehin nito ang huling debate dahil sa mga tumalbog na cheke na inisyu ng Vote Pilipinas.

Maliban na lamang kapag nagbayad ng P14 million na partial payment ang organizer na Impact Hub.

Ang Impact Hub ang siyang kinuha ng Comelec to para sa pag-organisa sa mga serye ng debateng tinawag na “PiliPinas Debates 2022: The Turning Point.”

Sa isang sulat, nakasaad ditong sa ilalim ng kontrata, nag-commit umano ang Impact hub Manila na magbayad ng kabuuang P20,595,000 para sa apat na tranches ng debate.

Kahapon naman nang nagbigay ang nasabing hotel ng ultimatum dakong alas-12:00 ng tanghali sa mga organizers para magbayad.

Naging venue naman ang sikat na hotel ng mga debate noong Marso 19 at 20 at April 3 debates.

Ang huling leg ng Comelec debates ay nakatakdang isagawa sa Sabado at Linggo.