-- Advertisements --
Elpidio Barzaga

Binigyang diin ng isang kongresista na kailangan nang baguhin ang struktura ng Philhealth matapos pumutok ang isyu ng katiwalian lalo na sa matataas na opisyal nito.

Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Cavite Rep. Elpidio Barzaga, sinabi nitong nararapat lamang na mabago ang struktura ng Philhealth para matuldukan ang matagal nang katiwalian sa loob ng ahensiya.

Lumabas daw kasi sa kanilang imbestigasyon na tadtad ng katiwalian ang ginagawa ng mga opisyal at empleyado ng Philhealth para makapagbulsa ng pera ng mga miyembro nito.

Inihalimbawa pa ni Barzaga ang mga kaso laban sa Philhealth na nasa regional trial courts (RTC) pa lamang ay naibabasura na.

Maging ang gawain ng Philhealth na pinahahaba raw ang araw sa ospital ng mga pasyente ay lumabas din sa kanilang imbestigasyon para mas maraming mailalabas na pera na pondo ng ahensiya.