-- Advertisements --

NAGA CITY- Nilinaw mismo ng alkalde sa bayan ng Minalabac na matagal na umanong na-dismiss sa korte ang reklamo laban kay Punong Barangay Allan Nevales ng Barangay Bagongbong ng nasabing bayan.

Ito’y matapos na mapabilang muli si Nevales sa mga listahan ng mga pinangalanan ni Presidente Rodrigo Duterte sa kanyang national address.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Minalabac Mayor Christoper Lizardo, sinabi nito na nakatugon na aniya si Nevales sa itinakdang araw upang sagutin ang mga paratang ukol sa maanomaliyang SAP distribution.

Dahil dito, tuluyan narin naman umanong nagdesisyon ang korte na ipawalang- bisa ang nasabing reklamo laban sa dating opisyal.

Samantala naniniwala naman si Lizardo na posibleng hindi pa umano natatanggap ng pangulo ang desisyon ng korte sa pagdismiss sa kaso laban ki Nevales kung kaya napabilang pa rin ito sa mga pinangalanan ng pangulo.

Una na rito buwan ng Disyembre ng sumulat na aniya si Nevales sa Department of Interior and Local Government (DILG) national office upang hilingin ang pag-re-instate dito matapos itong masuspendi sa pwesto.

Sa ngayon hinihintay na lamang umano ng dating opisyal ang tugon at ang kaukulang direktiba ng national office hinggil sa kahilingan makabalik muli sa serbisyo.