Reading Time: 1 minute

Nagbabala si Marikina Rep. Stella Quimbo sa posibilidad na hindi lubos maramdaman ang benepisyong makukuha sa Universal Health Care (UHC) Law kapag hindi agad nasolusyunan ang mga problema sa PhilHealth.

Sa isang pulong balitaan, pinuna ni Quimbo ang mababang protection rate ng PhilHealth na ngayon ay nasa 15-percent lang.

Sa ilalim kasi nito, P100 na binabayaran ng pasyente sa ospital at P15 lang ang sagot ng naturang ahensya.

Binatikos din nito ang 66-percent na availment rate ng PhilHealth na kanya namang iniuugnay sa komplikadong claiming process.

“Some members who are automatically covered, such as 4Ps families, do not even know that they have PhilHealth coverage. While those who are aware they are covered by PhilHealth, on the other hand, do not know how to access its of benefits,” ani Quimbo.

Hindi naman aniya malayo na mas mababa pa ang figures na ito kasunod na rin ng mga balitang mayroong malawakang fraud sa PhilHealth claims.

“This means that the effective protection rate is less than 15%. If, for example, 20% of PhilHealth claims are fraudulent, then the effective protection rate is only 12%. This means that for every 100 pesos spent on hospital bills, PhilHealth shoulders only 12 pesos,” saad ni Quimbo

Ani Quimbo, mareresolba lang ang mga usapin kung matitiyak na maayos ang implementing rules and regulations ng UHC Law.

Kaugnay nito, nanawagan ang kongresista sa Department of Health na seryosohin ang pagbalangkas sa implementing rules and regulations ng batas.

Nagpayo rin ito na makipagtulungan sa mga eksperto at Kongreso sa pagpasa ng supplemental legislation para sa UHC Law para mas mapakinabangan ito.