Hinimok ni Ambassador Ilan Fluss ang international community na maglatag ng presure sa teroristang rgupong Hamas upang itigil na ang pag-atake sa mga Israelis, lalo na sa Gaza Strip.
Ayon sa Israeli official, mahalagang makapaglatag ng pressure laban sa teroristang grupo upang itigil na ang pag-atake at mabigyan ng pagkakataon ang mga taong naninirahan sa Gaza upang maka-alis at maiwasang maipit sa naturang kaguluhan.
Kailangan din aniya ng tulong ng international community sa Israel lalo na at marami ring mga bansa ang nagnanais na makapagsagawa ng repatriation operations para sa kanilang mga kababayan na naipit sa Gaza Strip.
Hirap aniyang maisagawa ng mga naturang bansa ang kanilang operasyon dahil sa maraming presensya ng teroristang grupo.
Maliban sa Hamas, nanawagan din si Ambassador Fluss sa international community na maglatag ito ng pressure sa mga bansang nagpapakita ng pagsuporta sa grupong Hamas.
Naniniwala ang opisyal na anumang pressure o presyon na ilalatag ng international community sa Hamas ay malaking tulong upang ma-kontrol ang galaw at impluwensya ng teroristang grupo.
Maalalang nauna nang naglabas ng joint statement ang grupo ng Estados Unidos, Gran Britanya, Alemanya, France, at Italy ng pagkundena sa ginawa ng grupong Hamas at tiniyak na susuportahan nila ang hakbang ng Israel na masuportahan ang sarili nito mula sa mga pag-atake ng teroristang grupo.