Nagpalitan ng mga missile at airstrike ang Iran at Israel nitong Sabado, isang araw matapos ilunsad ng Israel ang malawakang air offensive laban sa matagal na nitong kaaway.
Sa naturang pag-atake, napatay ang ilang commanders at scientists, at binomba ang mga nuclear site ng Iran—na ayon sa pahayag ng Israel ay bahagi ng layunin nitong pigilan ang pagbuo ng atomic weapon ng naturang bansa.
Iginiit ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na ang isinagawang mga pag-atake ng Israel ay nakapagpabagal sa nuclear program ng Iran, at maaaring naantala ito nang ilang taon.
Pinuri ni U.S. President Donald Trump ang mga pag-atake ng Israel laban sa Iran, at nagbabala nang mas matinding hakbang kung hindi agad tatanggapin ng Iran ang malaking pagbabawas sa kanilang nuclear program — isang kondisyon na matagal nang iginigiit ng Estados Unidos sa mga usaping diplomatiko na sana’y muling sisimulan ngayong Linggo.
Ayon sa dalawang opisyal ng Estados Unidos, ang United States, bilang pangunahing kaalyado ng Israel, ay tumulong sa pagpapabagsak ng mga missile ng Iran.
Nangako ang Iran na ito’y maghihiganti sa malupit na opensiba ng Israel noong Biyernes, kung saan nasira ang pamunuan ng nuclear at militar ng bansa, at napinsala ang mga atomotic plants at base militar.