Ibinahagi ng Israel ang kanilang kahusayan sa agrikultura sa Pilipinas bilang tugon sa panawagan ng tulong mula kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na siya ring pinuno ng Department of Agriculture (DA).
Ayon sa Israeli Embassy in the Ph, inimbitahan nito ang isang eksperto sa pagsasaliksik ng agrikultura na ibahagi sa Pilipinas ang kanyang mga pananaw kung paano naging world leader ang Israel sa agrikultura.
Ibinahagi din kung paano na-modernize ng Israel ang agricultural research and development (R&D) agenda gayundin ang mga modernong teknolohiya, diskarte, at pinakamahusay na kasanayan ng bansa para sa sektor ng agrikultura.
Tinalakay ng Deputy Director ng Volcanic Institute of Israel na si Prof. Uri Yermiyahu sa mga opisyal ng agrikultura ng Pilipinas ang agenda ng pagsasaliksik at pagpapaunlad ng agrikultura ng Israel.
Sinabi ni Israeli Ambassador to the Philippines Ilan Fluss na ang pagbabahagi ng kadalubhasaan ni Prof. Uri sa Pilipinas ay nagpapakita ng paglikha ng mga tulay ng pagbabago at teknolohiya sa pagitan ng dalawang bansa.
Giit ni Fluss na ang inisyatiba na ito ay tugon sa panawagan ni President at DA Secretary Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa Israel na tulungan ang sektor ng agrikultura ng Pilipinas.