Tiniyak ng Israel ambassador to the Philippines na aagapay sila sa bagong papasok na administrasyon ni Presidente-elect Ferdinand Marcos Jr sa sektor ng agrikultura.
Ginawa ni Ambassador Ilan Fluss ang pangako sa kanyang courtesy call kay Marcos.
Ayon kay Fluss, ang bansang Israel ay kilala umano bilang global hub pagdating sa mga innovation at source of technologies.
Naniniwala ang envoy na ang kanilang ginagamit na teknolohiya sa Israel ay puwede makatulong sa pagpapaunlad pa sa agrikultura sa Pilipinas.
Inihalimbawa pa nito na ang Israel ay kilala rin bilang isa sa mga global leaders pagdating sa modern agriculture.
Kabilang kasi sa prayoridad ng kanilang gobyerno ay sa larangan ng agrikultura, food security at pagkakaroon ng trabaho.
Sinabi pa ni Amb. Fluss, liban sa mga nabanggit na isyu tinalakay din nila ni Marcos ang iba pang mga areas na posibleng magkaroon pa ng kooperasyon ang dalawang bansa.
Una rito, hinarap din ni Marcos ang mga ambassadors ng Egypt, Denmark gayundin ang presidente ng Asian Development Bank kung saan pinag-usapan din ang isyu sa pagharap sa climate change.