CAUAYAN CITY- Patuloy ang pagpapatayo ng LGU Solano katuwang ang DPWH Nueva Vizcaya sa Isolation Facility na may halagang P10 milyon sa Brgy. Uddiawan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Bayan Member Eduardo Tiongson ng Solano, Nueva Vizcaya, nagsimula ang proyekto sa naranasan ng Solano noong nakaraang taon na naitala ang pinakamaraming infection ng COVID-19 at ngayon ay punuan pa rin ang mga pasilidad sa mga pagamutan.
Aniya, minabuti nilang gawin na lamang itong Multi Purpose Building para mapakinabangan pa kapag natapos na ang pandemya.
Nakatakda namang gumawa ang konseho ng Supplemental Budget para sa iba pang kailangan na kagamitan.
Mahigit dalawang buwan pa mula ngayon ay magagamit na ang naturang isolation facility na may labing apat na kwarto.
Bukod sa isolation facility ay magiging Training Facility rin ang nasabing lugar.
Batay sa pinakahuling talaan ay 777 na ang naitalang kaso ng COVID-19 sa Solano, Nueva Vizcaya, 646 ang gumaling, dalawampu’t apat ang nasawi habang 107 ang aktibong kaso.