KALIBO, Aklan – Pansamantalang sinuspinde ang operasyon ng isang hotel sa Boracay para sa isasagawang disinfection.

Ayon kay Malay Mayor Frolibar Bautista, kasunod ito ng pagpositibo sa Coronavirus Disease ng isang staff ng nasabing establisyimento.

-- Advertisement --

Pinabulaanan naman ng alkalde ang lumabas na ulat na isinara ang hotel dahil sa paglabag daw sa health and safety protocols.

Wala aniyang katotohanan na may nilabag na panuntunan, kundi humiling lamang sa kanila ang pamunuan nito na isailalim sa isolation facility ng municipal health office ang pasyente.

Samantala, isinusulong ng lokal na pamahalaan ng Malay na isailalim sa antigen test ang mga Aklanon workers bago pumasok sa tanyag na isla ng Boracay.