-- Advertisements --

Binigyang diin ng Department of Justice (DoJ) na mabigat ang kanilang isinampang kaso kay dating Sen. Antonio Trillanes IV kaya naman agad nagpalabas ng warrant of arrest ang Quezon City Metropolitan Trial Court branch 138.

Kasama sa mga pinaaaresto ng korte sa lungsod ng Quezon si Peter Jomel Advincula na umaming nasa likod ng serye ng Bikoy videos at 10 iba pa dahil sa kasong conspiracy to commit sedition.

Sinabi ng isa sa mga miyembro ng DoJ panel of prosecutors na nag-imbestiga sa reklamo na si Assistant State Prosecutor Michael John Humarang na patunay lamang na kumbinsido ang korte sa mga ebidensiya na kanilang isinumite sa korte matapos ang kanilang isinagawang preliminary investigation.

Sinabi pa ni Humarang na nakakita ng probable cause ang hukom kaya ito naglabas ng warrant laban ky Trillanes at iba pa.

Kaugnay nito ay nananatiling bukas ang DoJ na tumanggap pa ng mga bagong testigo at mga ebidensya sakaling may lalantad pa na mga bagong nais maging testigo.

Kaugnay nito’y pinag-aaralan pa rin anya ng DoJ ang posibilidad na maging state witness si Bikoy na ngayon ay kabilang pa sa mga respondent, pero kailangan muna nitong makapasa sa gagawing assesment ng panel of prosecutors bago siya maging testigo.