Nanawagan si Cebu Provincial Board Member Dr. Stanley Caminero ng agaran at nagkakaisang aksyon mula sa pamahalaan at iba’t ibang sektor dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na aniya’y isa nang “provincial crisis.”
Sa kanyang privilege speech sa regular session ng Sangguniang Panlalawigan kahapon, Abril 6, sinabi ni Caminero na ang pagtaas ng presyo ng diesel at gasolina ay may malawak na epekto sa ekonomiya ng Cebu, kabilang ang pagtaas ng pasahe, pagkain, at gastusin ng mga pamilya.
Binigyang-diin niya na bilang isang isla, mas ramdam ng Cebu ang epekto ng mahal na langis dahil sa pagdepende nito sa shipping at fuel-based logistics.
Apektado umano ang buong supply chain mula sa magsasaka at transporter hanggang sa mga konsyumer at serbisyong pangkalusugan.
Bilang pinuno ng Committee on Energy, Environment, Health, at Social Services, tinukoy rin ng opisyal ang kahinaan ng bansa sa mataas na pag-asa sa imported na petrolyo, kumpara sa ibang bansa sa Southeast Asia na may subsidiya at alternatibong pinagkukunan ng enerhiya.
Bilang tugon, isinulong niya ang pagpapatupad ng Electric Vehicle Industry Development Act, ngunit iginiit na dapat maging patas ang modernisasyon, lalo na sa usapin ng prangkisa.
Iminungkahi ni Caminero ang isang resolusyon na mag-aanyaya sa Department of Energy Region VII at tanggapan ng gobernador upang maglatag ng datos hinggil sa energy mix ng Cebu, fuel dependence, at mga hakbang sa krisis, kabilang ang implementasyon ng batas.
Inirekomenda rin niya ang hiwalay na pagdinig kasama ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board upang tugunan ang mga isyu sa prangkisa at matiyak ang patas na transisyon sa modernisadong sistema ng transportasyon.
















