DAVAO CITY – Tinatayang aabot sa 150 kabahayan at isang mosque ang naabo sa sunog na naganap sa Brgy. 23-C, Isla Verde, lungsod ng Davao nitong Biyernes ng alas-11:00 ng umaga.

Habang partially damaged naman ang kalapit na Zunta Elementary School.

Ito na umano ang ikasiyam na sunog na nangyari sa naturang lugar simula noong taong 2014.

Nagsimula umano ang apoy sa ikalawang palapag ng boarding house na pagmamay-ari ng mag-asawang Layla at King Elasio at mabilis na kumalat sa katabing kabahayan dahil sa malakas at paiba-ibang direksiyon ng hangin.

Nilinaw ni F/Insp. Exequil Tabon ng Bureau of Fire Protection, kaagad silang rumesponde nang makatanggap ng tawag alas-11:21 ng tanghali pero nahirapan umano silang makapasok sa lugar dahil sa makipot na daan na ginawa pang parking area ng mga residente.

May nangyari pa umanong komosyon matapos tinangkang agawin ng mga residente ang firehose sa kagustuhang hindi masunog ang kanilang bahay kung saan karamihan sa mga residente ay mga Muslims at mga Badjao na ang mga bahay ay nakatirik na sa dagat.

Inaalam pa ng BFP ang kabuuang halaga ng danyos at ang sanhi ng sunog.