CAUAYAN CITY – Nasugatan ang isang magsasaka sa Rang-ayan, Mallig, Isabela matapos saksakin ng dalawang beses sa kanyang mismong bahay.
Ang biktima ay si Joel Alvarez, 46-anyos, magsasaka at residente ng naturang lugar habang ang pinaghihinalaan ay si Rodrigo Bonita, 48-anyos, magsasaka at residente ng San Jose Sur, Mallig, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, galing umano ang pinaghihinalaan sa bahay ng kanyang kamag-anak sa Brgy. Rang-ayan na naki-birthday at nakipag-inuman.
Pasado alas nuebe ng gabi noong Linggo nang biglang sumugod ang pinaghihinalaan kasama ang kanyang anak sa bahay ng biktima upang komprontahin ukol sa nawawala niyang tsinelas.
Sinabi nang biktima na wala siyang kinalaman ukol sa nawawalang tsinelas ng pinaghihinalaan.
Mas lalo umanong nag-init ang ulo ng suspek kaya pumasok sa bahay ng biktima at sinaksak niya ng dalawang beses.
Agad namang tumakas ang pinaghihinalaan at ang kanyang anak sakay ng kanilang motorsiklo matapos ang pananaksak.
Isinugod ng kanyang mga kamag-anak ang biktima sa pagamutan matapos itong magtamo ng dalawang saksak sa katawan.
Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang Mallig Police Station at nadakip ang suspek sa kanilang farmhouse sa Brgy. San Jose Sur.
Nakuha rin ng pulisya ang isang duguang jungle bolo na pinaniniwalang ginamit sa pananaksak.
Nakakulong na ang suspek sa Mallig Police Station at inihahanda na ang kaso laban sa kanya.