NAGA CITY-Patay ang isang magsasaka sa Lopez, Quezon matapos na bariling ito sa sarili nitong tahanan.
Kinilala ang biktima na si Rogelio Basquinas Arganda, 58 anyos, residente ng Barangay Sumalang, Lopez, Quezon.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na tumawag ang Barangay Kapitan ng Barangay Sumalang sa Lopez Municipal Police Station(MPS), kung saan nagkaroon aniya ng insidente ng pamamaril sa kanilang lugar.
Kaagad naman na nag-tungo ang mga kapulisan ng Lopez MPS sa lokasyon upang imbestigahan ang pangyayari.
Base sa kanilang imbestigasyon, nanonood aniya ang biktima ng telebisyon sa kanyang bahay nang dumating ang suspek na si alyas Louielito at bigla na lang binaril ang biktima na kaagad nitong kinamatay.
Kaagad naman na tumakas ang suspek dala ang ginamit nitong armas papunta sa kabundukan na malapit sa kanilang barangay.
Bago nangyari ang insidente, hinalay aniya ng biktima ang anak na babae ng ampon nitong lalake noong Marso 2022.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad tungkol sa nangyaring insidente.