-- Advertisements --

NAGA CITY-Patay ang isang foreign national pagkatapos na mabanggaan ang isang truck sa Almeda Highway Crossing, Sol Street, Concepcion Grande, Naga City.

Kinilala ang biktima na si Michael David Pempsell, 36-anyos, pansamantalang nakatira sa CWC, Cadlan, Pili, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Police Major Juvy Llunar, Station Commander ng Station 2 ng Naga City Police Office, sinaysay nito na tatawid sana sa crossing ang truck na minamaneho ni Jomari Abella, 29-anyos, residente ng Doctoras Compound, Calamba, Laguna, nang bigla na lang nakabangga ang motorsiklong minamaneho ni Pempsell sa barrier sa daan na kinalaunan ay kinain rin ang linya ng truck.

Dahil sa pangyayari, nagkabanggaan ang dalawang behikulo kung saan nasugatan sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan si Pempsell. Kaagad na dinala sa ospital ang biktima para sa agarang lunas ngunit dineklara rin lang itong dead on arrival ng mga doktor.

Samantala, ayon pa ki Llunar, nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon tungkol sa nabanggit na insidente, pati na ang pag-alam kung nasa ilalim ba ng impluwensiya ng alak ang driver ng mga kasangkot na behikulo.

Kaugnay nito, nagpapa-alala ang opisyal na maging maingat sa pag-mamaneho at panatilihin ang disiplina pag nasa daan upang maiwasan na ma-aksidente…