-- Advertisements --

Binigyang diin ni Senate committee on labor and employment chairman Sen. Joel Villanueva na isama ang mga manggagawa sa vaccination program ng gobyerno ang mga minimum wage earners na nagbibigay ng mga essential services sa mga mamamayan.

Ayon kay Villanueva, na chairman ng Senate labor committee, nais niyang busisiin ang plano ng gobyerno sa pag-roll out ng bakuna para sa COVID-19 Lunes ng umaga sa pagpulong ng Senate Committee of the Whole para talakayin ang nasabing programa. Inaasahang dadalo ang mga opisyal mula sa Inter-Agency Task Force na nangangasiwa sa pag-responde sa pandemya, maging ang pamunuan ng Department of Health.

Karaniwang nagtatrabaho ang mga minimum wage earners na nabanggit sa mga high-risk na lugar-paggawa tulad ng mga construction sites, pabrika, palengke at grocery, at iba pang lugar, at madalas nakadepende ang mga ito sa pampublikong transportasyon para pumasok sa trabaho, paliwanag ni Villanueva.

Mahalaga na isama sila sa listahan ng prayoridad dahil nakatuon sila sa kita para sa mga pang araw-araw na pangangailangan ng kani-kanilang mga pamilya, dagdag pa ng mambabatas.

Inihain ni Villanueva kamakailan ang Senate Resolution No. 598 upang busisiin ang vaccination program ng gobyerno at pag-aralan kung paano maipapabilang ang mga manggagawa sa pagbabahagi ng unang batch ng bakuna.

Matatandaang inanunsyo ng pamahalaan na tinatayang 70% ng kabuuang populasyon ang nais mabakunahan sa loob ng susunod na tatlo hanggang limang taon.

Aabot sa 57.2% (22.76 milyon) ng tinatayang 39.8 milyong manggagawang kasalukuyang may trabaho ay mula sa services sector, ayon sa pinakahuling Labor Force Survey na ipinalabas noong Oktubre 2020.

Tinatayang nasa 3.97 milyon naman ang mga manggagawa sa sektor ng construction, ayon sa pag-aaral.

Ayon sa pagtaya ng Department of Finance, aabot sa 29% ng mga pasahuring manggagawa o 7.2 milyon ay tumatanggap ng minimum wage.