CAUAYAN CITY- Nakapagtala ang lalawigan ng Isabela ng mahigit 100 na panibagong kaso ng COVID-19 sa loob lamang ng isang araw.
Sa inilabas na abiso ng pamahalaang panlalawigan, ay naitala ang 125 na bagong kaso dahilan para muling umakyat sa 472 ang aktibong kaso sa lalawigan.
Noong Disyembre 17, 2020 ay unang naitala sa Isabela ang mahigit isang daang kaso sa loob ng isang araw na umabot sa 128.
Batay sa talaan ng Isabela Provincial Health Office, mula ng makapagtala ng kaso ng COVID-19 ang lalawigan noong Marso, 2020 ay umabot na ito ngayon sa 5,269.
Sa mga bagong kaso ay nanguna ang Cabagan na may 30, pumangalawa ang San Manuel na may 23, sa Santiago 1y 21, Alicia ay 13, labindalawa sa Luna, 10 sa Angadanan, 4 sa San Agustin, 3 sa Aurora, tig-dadalawa sa Gamu at Ramon habang tig-iisa sa Mallig, Reina Mercedes, Tumauini, Delfin Albano at Cauayan City.
Pumalo na rin sa 100 ang nasawi sa lalawigan dahil sa naturang virus.
Magandang balita naman dahil 25 ang naidagdag sa mga gumaling kaya mayroon ng 4,698 na total recovered ang Isabela.
Muling pinaalalahanan ng pamahalaang panlalawigan ang publiko na sundin ang mga alituntunin at huwag lumabas sa tahanan kung hindi kinakailangan.