ILOILO – Lakas at dedikasyon sa pageensayo ang naging puhunan ng tatlong Ilonggo wushu player na nakasungkit ng Gold Medal sa Wushu Sanda Event sa nagpapatuloy na Southeast Asian Games 2019.
Ang tatlong manlalaro ay sina Jessie Mandigal Aligaga na tubong Antique na nanalo sa Wushu Sanda Event Men’s 48 kg category , Arnel Roa Mandal ng Arevalo, Iloilo City sa Men’s 52 kg category, at Francisco Solis ng Molo, Iloilo City sa Men’s 56 kg category.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Jessie Mandigal Aligaga, Playing coach ng Philippines Wushu Sanda Team sinabi nito na inaalay niya sa sambayanang Pilipino ang kanyang panalo.
Ayon kay Aligaga, hindi naging hadlang ang kanyang edad upang makamit ang inaasam na panalo para sa Pilipinas.
Ani Aligaga, kasama ang dalawa pang Ilonggo na manlalaro naging lakas nila ang walang patid na suporta ng buong Pilipinas lalo na ng mga taga Iloilo.
Inamin naman ni Aligaga na napilitan lamang siyang sumali sa Wushu team ng bansa dahil 2015 pa itong nagretiro sa nasabing laro.