-- Advertisements --

DAVAO CITY – Nababahala na ngayon ang mga backyard hog raisers ng Malagos sa lungsod matapos na magkasakit na ang kanilang mga alagang baboy.

Dahil dito, nanawagan si Davao City Mayor Inday Sara Duterte-Carpio sa mga hog raisers na makipag-ugnayan agad sa City Veterinarian’s Office (CVO) para agad makunan ito ng blood sample at malaman kung apektado ito sa African swine fever (ASF).

Kalapit lamang ang Malagos sa barangay ng Lamanan at Dominga sa Calinan na unang naitala ang outbreak ng ASF kung na saan aabot na sa libong mga baboy ang apektado.

Una nang sinabi ni Mayor Inday na nasa 1,085 na mga baboy ang isinailalim ngayon sa culling o pagpatay sa Brgy. Lamanan habang nasa 398 na ang sa Brgy. Dominga.

Sa kasalukuyan ay nagdeklara na rin ng state of calamity ang dalawang mga barangay kung saan maaaring magamit na ang P20 milyong na pondo para matulungan ang mga apektadong hog raisers.

Pinayuhan na lamang ngayon ni Mayor Inday ang mga hog raisers na kung mapapansin ng mga ito ang sintomas sa kanilang mga alagang baboy, agad na makipag-ugnayan sa mga ahensiya ng lokal na pamahalaan para agad ito na maaksiyunan.

Muling tiniyak ng alkalde na mabibigyan ng sapat na tulong mula pamahalaan ang mga hog raisers kung kabilang ang kanilang mga alagang baboy sa isasailalim sa culling.