Inilabas na ng pamahalaan ang Implementing Rules and Regulations (IRR) para sa pagpapatupad ng Maharlika Investment Fund.
Inisyu ng Bureau of Treasury ang IRR ng batas noong Agosto 28 mahigit isang buwan matapos lagdaan ito bilang batas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Hulyo 18.
Magiging epektibo naman ang IRR sa Setyembre 12 ng kasalukuyang taon. Ito ay 15 araw pagkatapos ang publication nito sa Official Gazette o pahayagan ng pangkalahatang sirkulasyon ayon kay Finance Secretary Benjamin Diokno.
Ang pagbalangkas ng IRR ay kasunod na rin ng mga konsultasyon sa founding government financial institutions at technical working group.
Base sa batas at IRR, magmumula ang P50 billion mula sa pamahalaan at government bank at karagdagang P25 billion mula sa isa pang government bank para sa inisyal na funding ng MIF na nagkakahalaga ng P125 billion.
Nakasaad din dito na ang Maharlika Investment Corp. (MIC) ang magiging investment body na responsable para sa kabuuang pamamahala ng MIF.
Batay din sa batas, pamumunuan ng board of directors ang MIC kasama ang 9 na mga miyembro na pangungunahan ng Finance chief.
Ang iba pang miyembro ay kabibilangan ng CEO ng Maharlika Investment Corp. government banks gayundin ang 2 regular at 3 independent directors mula sa pribadong sektor.
Sa ilalim naman ng Section 14 ng IRR, nakapaloob na nag MIC ay awtorisadong mag-invest sa wide range ng mga produkto, mga aktibidad at mga proyekto gaya ng cash at iba pang tradable commodities.
Nakatala din sa IRR ang mga parusang ipapataw para masiguro ang integridad ng MIF at mapanagot ang mga MIC officials sakaling may paglabag.
Kung saan nakasaad sa batas ang pagpapataw ng multa na pumapalo sa P1 million hanggang P15 million at makukulong ng 6 hanggang 20 taon para sa iba’t ibang paglabag.