Naka-ipon ng P59.52 bilyon ang mga miyembro ng Home Development Mutual Fund (Pag-IBIG) sa unang walong buwan ng taon.
Ang nasabing halaga na higit sa kalahati ay nagmumula sa voluntary savings program nito.
Ang year-to-date savings ay sumasalamin sa 11.45% na pagtaas mula sa parehong panahon noong nakaraang taon, at katumbas ng 74.4% ng P80-bilyong target na ipon para sa taon.
Dagdag dito, ang Pag-IBIG Regular Savings ay umabot ng P28.03 bilyon, tumaas ng 7% mula sa P26.16 bilyon noong 2022, habang ang Modified Pag-IBIG 2 Savings (MP2) nito ay umakyat ng 16% hanggang P31.50 bilyon.
Ayon kay Pag-IBIG chief executive officer Marilene Acosta, kapansin-pansin ang patuloy na paglaki ng ipon ng mga miyembro nito.
Sa ilalim ng charter nito, layunin ng Pag-IBIG na magkaroon ng mas maraming ipon para sa mga manggagawang Pilipino at makapagbigay ng accessible na pondo para sa pabahay ng bawat miyembro.