-- Advertisements --

Pinuri ng ilang church leaders ang libo-libong deboto na sumunod sa mga umiiral na health at safety protocols laban sa coronavirus disease kasabay ng selebrasyon ng pista ng Itim na Nazareno sa Quiapo noong Sabado.

Ayon kay Msgr. Hernando Coronel, rector ng Minor Basilica ng Itim na Nazareno, naging masaya raw ang simbahan na makita ang mga deboto na sumunod sa physical distancing habang nasa pila at naghihintay na makapasok sa loob ng simbahan.

Hindi rin nito nakalimutang pasalamatan ang mga tao na pinili na lamang manood ng misa sa kanilang social media platforms.

Umabot aniya ng 50,000 viewers ang dalawang naka-livestream na misa noong umaga.

Base naman sa ulat ng Operation Center, as of 11 p.m. noong Enero 9 ay halos 300,000 katao ang dumalo sa isinagawang misa sa simbahan ng Quiapo, gayundin sa Sta. Cruz Church at San Sebastian Church.

Dagdag pa ng pari na kamangha-mangha ang ipinamalas na disiplina ng mga deboto dahil sa kabila ng nagpapatuloy na banta ng COVID-19 at bagong variant nito ay hindi pa rin nagpatinag ang publiko na ipagpatuloy ang kanilang debosyon.