Kumpiyansa si Philippine Ambassador to the People’s Republic of China Jaime FlorCruz na magpapatuloy ang trade cooperation sa pagitan ng China at Pilipinas kabilang ang nakuhang investment pledges sa pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Beijing sa kabila ng pagpapalit ng liderato ng gobyerno ng China.
Bagamat naitalaga sa ikatlong termino bilang Pangulo ng China si Xi Jinping, napalitan ang premier ng China matapos ihalal ng National People’s Congress (NPC) si Li Qiang sa isinagawang parliamentary session noong nakalipas na linggo.
Ang Chinese Premier ang naatasan na mangasiwa sa ekonomiya ng China na ikalawang pinakamalaki sa buong mundo.
Matatandaan na nakapag-uwi ang Pangulong Marcos ng kabuuang $22.8 billion investment commitments maliban pa sa dalawang kasunduan na titiyak sa patuloy na suplay ng agriculture inputs partikular na ang pataba.
Ilan pa sa mga investments ay ang infrastructure projects, gaya ng highways, south railway patungong Bicol, north railway patungong Clark at Subic gayundin ang agriculture at clean energy projects.