-- Advertisements --

Wala umanong hurisdiksiyon ang International Court of Justice (ICJ) sa hirit ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na bawiin ang travel ban sa Hong Kong na idineklara ng pamahalaan ng Pilipinas dahil sa Corona Virus Disease (COVID-19).

Una rito, nagpasaklolo ang mga OFWs sa ICJ dahil gusto nilang agad aksiyunan ang kanilang hirit dahil “unfair” umano ang travel ban at nilabag umano ng gobyerno ng Pilipinas ang kanilang karapatan na maka-biyahe at maipag-patuloy ang kanilang trabaho sa Hong Kong.

Pero paliwanag ni Justice Sec. Menardo Guevarra, hindi manghihimasok ang ICJ sa mga bagay o sitwasyon gaya ng judicial systems, public health o migration na kayang-kaya namang resolbahin ng national government o iba pang kaukulang international agencies tulad ng World Health Organization (WHO).

Binigyang-diin pa ng kalihim na ang desisyon na higpitan ang foreign travels o biyaheng papasok at palabas ng bansa ay “sole prerogative” ng pamahalaan.

Dagdag ni Guevarra, ang gobyerno ang nakakaalam kung ano ang makakabuti sa mga mamamayan nito.

Bukod sa Hong Kong, may travel ban din sa China at Macau dahil sa COVID-19 habang ang travel ban sa Taiwan ay binawi na ng gobyerno noong Biyernes.

Pero noong Sabado sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na ikinokonsidera na rin ng pamahalaan ang lifting ng travel ban sa Macau.