Simula sa susunod na taon ay idadaan na sa Intervention Monitoring Card (IMC) ang pamamahagi ng tulong sa mga magsasaka na nakalaan para sa pambili ng abono sa kanilang mga pananim.
Sa panayam ng media kay Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., sinabi niya na ang IMC ay isang sistemang magtitiyak na ang perang inilaan para sa abono ay magagamit lamang para sa pagbili nito.
Sa pamamagitan ng naturang sistema ay magiging kontrolado ang paggamit ng pondo at masisiguro na ng mabibiling abono ng mga magsasaka ay akma sa kanilang mga pananim upang mapataas ang ani at maiwasan ang pag-aaksaya ng resources.
Makatutulong din ang programang ito upang mas maging organisado at transparent ang pamamahagi ng tulong sa mga magsasaka lalo na sa panahon ng pagtatanim.
Inatasan din ang mga Regional Offices ng Department of Agriculture na paigtingin ang pagsasanay sa mga magsasaka pagdating sa paggamit ng bio fertilizer bilang alternatibong pataba.
Layunin nitong mabawasan ang gastos ng mga magsasaka sa pagbili ng mamahaling abono habang pinapanatili ang kalusugan ng lupang taniman.
Inaasahang magdudulot ang naturang mga hakbang ng mas mataas na ani at mas matatag na kabuhayan para sa mga magsasaka sa bansa.
















