Hiniling ngayon ni International Criminal Court (ICC) Prosecutor Karim Khan na ituloy ang imbestigasyon sa drug war at pamamaslang na may kaugnayan sa Davao death squad.
Kasunod na rin ito ng pagbasura ng ICC sa argumento ng Pilipinas na ihinto ng tribunal ang kanilang imbestigasyon sa drug war noong nakaraang administrastyon.
Sa 21 pahinang submission sa ICC Pre-Trial Chamber (PTC), hinimok ng chamber ang pagpapatuloy ng imbestigasyon sa sitwasyon sa bansa.
Sa 62-page filing ng gobyerno na may petsang Setyembre 8, iginiit ng ating pamahalaan na walang hurisdiksiyon ang ICC na magsagawa ng imbestigasyon sa Pilipinas at ang umano’y mga krimen ay tinawag na insufficiently grave o sobrang malala para umaksiyon pa rito ang international court.
Ang Philippine submission, ay pirmado ni Solicitor General Menardo Guevarra at limang assistant solicitors general.
Ipinunto pa sa filing na inimbestigahan naman ng Philippine government ang mga krimen at naparusahan naman ang mga sangkot dito.
Una na ring iginiit ng pamahalaan na gumugulong pa rin ang justice system sa bansa at nagpa-function pa rin ang lahat ng mga korte kaya hindi na kailangang makialam ang international court.
Pero hindi naman kumbinsido dito si Khan at sinabing wala raw merito ang argumento ng pamahalaan.
Aniya bigo raw ang pamahalaan na i-substantiate ang kanilang claim na ang Philippines justice system ang nagpa-function nang maayos.
Kabilang sa mga mga imbestigasyon na binusisi ni Khan ay ang mga kaso na hawak ng Department of Justice (DOJ) Inter-Agency Review Panel, ang Administrative Order No. 35 (AO 35) Committee, Philippine National Police Internal Affairs Service at ang writ of amparo (protective writ) proceedings.
Ayon kay Khan ang DOJ inter-agency panel at AO 35 Committee ay bigong ipakita ang “tangible, concrete at progressive investigative steps” gaya ng pag-interview sa mga testigo o suspek at ang pagkolekta ng documentary evidence o ang pagpapakita ng forensic analysis.