Binigyang diin ng Commission on Population and Development (POPCOM) ang pagtutuon ng pansin para sa institutionalization ng komprehensibong mga programang pang-kalusugan para sa mga senior citizens ng ating bansa.
Ayon kay POPCOM officer-in-charge (OIC) Executive Director Lolito Tacardon na bagamat mayroong kasalukuyang mga pangmatagalang programa ang gobyerno para sa mga seniors sa mga institusyon o household, dapat din aniya na maidala ang naturang interventions sa community level.
Dapat aniya na mayroong local programs para sa community-based rehabilitation para matugunan ang disabilities ng mga matatandang populasyon ng bansa.
Para maging epektibo aniya ang mga programa, ayon sa POPCOM official dapat na mas maging aktibo pa ang mga lokal na pamahalaan sa pagpapalawig ng scope ng health services para sa mga senior citizens.
Nakikipag-ugnayan naman ang POPCOM sa mga mambabatas, local ploicymakers at sa government leaders para makalikha ng mga polisiya pagdating sa kalusugan, socioeconomic at iba pang pangangailangan para sa mga senior citizens.
Nauna ng sinabi ni Prof. Grace Cruz ng University of the Philippines-Population Institute (UPPI) na tinatayang maging “aging society” ang Pilipinas sa pagsisimula ng susunod na dekada.
Base naman sa latest data na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang senior citizens ngayon ay nasa 8.5% ng kabuuang populasyon ng bansa o 9.2 million indibidwal.
Una rito sa isinagawang conference sa Bangkok, Thailand kauganay sa selebrasyon ng International Day of Older Persons, sinabi ni Cruz na inaasahang tataas pa ang bilang ng older persons ng 10%.