Pinaplano na rin ngayon ng Senado na magsagawa ng bukod na imbestigasyon sa nangyaring pagtaob ng motorbanca sa bahagi ng Binangonan, Rizal na kumitil sa buhay ng nasa 27 mga indibidwal.
Ayon kay Minority Leader Koko Pimentel isa sa kanilang mga sisilipin ay ang pagpapahintuloy ng Philippine Coast Guard sa naturang bangka na magpatuloy sa pamamalaot kahit kakalabas lamang sa Philippine Area of Responsibility ng bagyong Egay.
Aniya, masyadong maaaga ang ipinatupad na pag-aalis na “no sailing order” ng PCG dahil kahit na nakalabas na aniya ng bansa ang naturang bagyo ay hindi agad na babalik sa normal ang sitwasyon sa laot dahil sa nagpapatuloy na malakas na hangin at buhos ng ulan.
Giit ng mambabatas, importanteng makapagsagawa ng imbestigasyon ang Senado hinggil sa nasabing insidente lalo na’t kumitil ito sa buhay ng maraming mga indibidwal.
Samantala, kasabay nito ay nanawagan din ng panalangin ang mambabatas para sa mga tauhan ng PCG na kasalukuyan pa ring nawawala hanggang sa ngayon.
Bukod dito ay kinilala rin niya ang ipinamalas na katapangan ng mga ito sa pagbubuwis ng buhay para tumulong sa pagsagip sa mga biktima ng naturang pangyayari.