Sumipa sa 2.5 percent ang inflation noong Hunyo matapos ang apat na magkakasunod na buwan na pagbulusok nito, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Ayon kay National Statistician Claire Dennis Mapa, ang bahagyang pagbilis ng inflation rate ay resulta ng mas mahal na singil sa transportasyon noong Hunyo, kasunod nang pagluwag ng restrictions sa ilalim ng general community quarantine (GCQ).
Marso nang sinuspinde ang public transport at noong Hunyo 1 lamang nakabalik operasyon pero sa limited basis lamang.
Sinabi ni Mapa na ang singil na pamasahe ng mga tricycle noong Hunyo ay umakyat ng 26 percent sa buong bansa.
Kung ang dating P12 lang na pamasahe, sinabi ni Mapa na aabot na ito sa ngayon sa P17 kada pasahero.
Sa Metro Manila lamang, 43.7 percent ang month-on-month na pagtaas ng pamasahe sa tricycle, at 129.4 percent naman sa year-on-year basis.
“Because of the social distancing guidelines, they may accommodate only a single passenger. That is why they are adjusting the price,” ani Mapa.
“We’ve seen that under the transport index, this is primarily the mode of transportation of low-income households and it contributes a significant increase in the overall transport index,” dagdag pa nito.
Top contributor din sa June inflation ang pagkain at non-alcoholic beverages na may annual rate na 2.7 percent, o 45.5 percent ng overall inflation.