Inaasahang boboto ang House Justice Committee kung may sapat na “probable cause” para sa impeachment ni Vice President Sara Duterte bukas, Miyerkules, Abril 29.
Ayon kay House Justice Committee Chairperson at 2nd District Batangas Rep. Gerville Luistro, may ilang mahahalagang isyung kailangan pang talakayin bago ang botohan, kabilang nariyan ang income tax returns ni Sara Duterte at ng kanyang asawa na si Manases Carpio, pati na rin ang umano’y banta ng Bise Presidente laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Isa sa mga naantalang usapin ay ang pagtalakay sa isinumiteng green box ng Bureau of Internal Revenue (BIR), dahil sa paalala ng ahensya na hindi ito maaaring buksan sa open session at dapat lamang talakayin sa closed-door meeting kung ito ay in aid of legislation.
Samantala, lumutang din sa pagdinig ang ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na nagsasabing may kabuuang P6.7 billion na umano’y covered at suspicious transactions sa pangalan nina VP Sara at Carpio.
Una nang itinanggi ng kampo ng Bise Presidente ang naturang report at iginiit na “bloated” ang figures dahil pinagsama-sama umano ang transaksyon sa loob ng ilang taon.
Ayon naman sa Office of the Ombudsman, walang idineklara na cash on hand o bank deposits si Sara Duterte sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) mula 2019 hanggang 2024.
May ilang miyembro ng komite na nagsabing susuportahan nila ang pagkakaroon ng probable cause, habang inaasahang kung maaprubahan ito, itutuloy ang committee report bago isumite sa plenaryo.
Kung makapasa sa Kamara, kinakailangan ng 106 boto upang maipasa ang Articles of Impeachment sa Senado para sa paglilitis.
















