-- Advertisements --

Inihayag ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na pinayagan na nito ang pagsasagawa ng tax audit sa siyam na negosyo na iniuugnay kay Vice President Sara Duterte at sa kanyang asawa na si Atty. Manases Carpio.

Ayon sa BIR, naglabas ito ng mga Letter of Authority (LOA) matapos makakita ng sapat na batayan upang magsagawa ng pormal na imbestigasyon, kabilang ang pagsusuri sa book of accounts at iba pang financial records ng mga nasabing kumpanya.

Ang mga negosyong subject sa tax audit ay ang Carpio Lawyers (Formerly Carpio & Duterte Lawyers), Zelta Matiem Salon, City Hall King Chow Foods Corporation, Davao Bounty Times Foods Corporation, Madayaw Fisheries Inc., Davao Emerging Taipans Corporation, Amianan Shores, Inc., Cale88 Foods Corporation at Geometry Security and Investigation Agency, Inc.

Ipinaliwanag ni BIR Commissioner Charlito Mendoza na ang LOA ay hindi nangangahulugang may pananagutan na agad ang mga nasasangkot, kundi isang legal na hakbang upang matukoy ang tamang buwis na dapat bayaran.

Dagdag pa niya, obligasyon ng ahensya na magsagawa ng imbestigasyon kung may nakikitang basehan, at kung mapatunayang may paglabag, maaari itong humantong sa kaukulang kasong sibil, administratibo, o kriminal.

Sinabi rin ng BIR na ang hakbang ay batay sa third-party information, kabilang ang mga datos mula sa pampublikong rekord, ulat ng Office of the Ombudsman, at impormasyon mula sa Anti-Money Laundering Council na lumitaw sa mga pagdinig ng impeachment sa Kamara.

Binigyang-diin ng ahensya na layunin ng audit na matiyak ang tamang koleksyon ng buwis, kasabay ng pagsunod sa umiiral na batas at paggalang sa karapatan ng mga iniimbestigahan.