-- Advertisements --

KITTY DUTERTE, BINANAT ANG MGA KRITIKO NG AMA; BINIGKAS ANG “INVICTUS” MATAPOS IBASURA NG ICC APPEALS CHAMBER ANG APPELA

Sa gitna ng naging pinal na desisyon ng International Criminal Court na may hurisdiksyon ito sa kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, nagbigay ng mensahe ang kanyang anak na si Veronica “Kitty” Duterte sa mga tagasuporta.

Noong Miyerkules, binigkas ni Kitty ang tulang “Invictus” bilang pahayag ng katatagan, ilang oras matapos ibasura ng Appeals Chamber ang apela ng kampo ng kanyang ama.

Tumanggi naman ito na sagutin ang mga tanong ng media, kabilang ang alegasyon ni Antonio Trillanes IV na umano’y tumanggap ang kanilang pamilya ng daan-daang milyong piso mula sa sinasabing drug lord na si Samuel Ang. Sa halip, iginiit niya na hindi magtatagumpay ang mga kritiko laban sa dating pangulo, na unang lider mula Mindanao.

Sa kanyang mensahe matapos dalawin ang ama na nananatiling nakakulong sa Netherlands, sinabi ni Kitty na hindi matatapos ang impluwensya ni Ex-Pres Duterte sa kanyang pisikal na pagkawala.

Binigyang-diin din niya ang mensahe ng tulang “Invictus,” partikular ang linyang tumutukoy sa pagiging “master of my fate” at “captain of my soul,” na ayon sa kanya ay nais iparating ng kanyang ama sa publiko matapos mabigo ang kanilang kampo sa pagkuwestyon sa hurisdiksyon ng ICC. Dahil sa naging desisyon, inaasahang magpapatuloy ang kanyang detensyon sa Netherlands.

Samantala, kinumpirma ng Appeals Chamber ng ICC na ibinasura nito ang lahat ng apat na argumento ng depensa ni Duterte. Nauna nang sinabi ng lead defense counsel na si Atty Nicholas Kaufman na inaasahan nilang papanigan ng korte ang pagpapanatili ng hurisdiksyon, at inilarawan pa ang dating pangulo bilang isang “big catch” para sa tribunal. Wala pang opisyal na pahayag ang ICC hinggil sa naturang komento. (report by Bombo Jai)