-- Advertisements --

Hiniling ng Task Force El Niño sa publiko na iwasan munang gumamit ng inflatable pools at ipagpaliban din muna maintenance o paglilinis ng mga swimming pool o mga kahalintulad nito.

Layunin nitong makaiwas sa krisis sa tubig dahil sa epekto ng El Niño phenomenon.

Ayon kay Task Force El Nino spokesperson Asec. Joey Villarama, dalawang buwan pang makakaapekto ang matinding tagtuyot kung saan halos buong bansa na ang makararanas nito pagsapit ng katapusan ng Abril.

Una nang nanawagan ang task force sa mga nakatira sa mga village at condominium sa Metro Manila na magtipid sa paggamit ng tubig.
Sa halip na gumamit ng hose sa paglilinis ng sasakyan, daanan, at pagdidilig, mainam anilang gumamit na lamang ng tabo at timba.

Maaari ring saluhin ng timba, palanggana o drum ang tubig-ulan na magagamit sa pagdidilig at pambuhos sa banyo.

Payo naman ng ibang opisyal na maging maingat sa paggamit ng electrical appliances upang hindi humantong sa sunog, lalo’t malaking volume ng tubig ang kinakailangan sa pag-apula ng apoy.