-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Mahigpit na kinokondina ng mga residente at lokal na pamahalaan ng Tinoc, Ifugao ang pagbaril-patay ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa dating kapitan ng Barangay Tukucan.

Sa interview ng Bombo Radyo kay PLt. Melvin Salvador, Deputy Chief of Police ng Tinoc Municipal Police Station, sinabi niyang isinagawa ang indignation rally laban sa mga rebeldeng NPA na dinaluhan ng mga residente, mga opisyal at empleyado ng lokal na pamahalaan ng Tinoc.

Aniya, naglakad ang mga ito sa main road ng Barangay Tukucan hawak-hawak ang mga plaka kung saan nakasulat ang pagkondina nila sa mga rebeldeng NPA at ang hiling na hustisya para sa nasawing dating opisyal.

Sinunog pa aniya ng mga lumahok sa indignation rally ang isang effigy na nagsisimbolo sa rebeldeng grupo.

Kaninang umaga ay ibinurol na ang bangkay ni Joseph Calabson na pinagbabaril-patay ng tatlong rebelde na pumasok sa tahanan ng biktima kamakalawa.

Iniwan pa ng mga rebelde ang apat na kopya ng sulat na may tatak na Nona Del Rosario Command New People’s Army-Ifugao kung saan nakasaad ang pag-amin nila sa krimen at ang pag-akusa nila kay Calabson bilang intel ng militar at traydor sa bayan.