Hinimok ni Sen. Leila de Lima ang kaniyang mga kasamahan sa Senado na bilisan na ang pagpasa ng kaniyang panukalang nagbabawas ng bayarin para sa mga mahihirap na naghahanap ng trabaho.
Ayon kay De Lima, ang kaniyang Senate Bill (SB) No. 1435 ay naglalayong mabigyan ng discounts ang mga indigent job applicants.
Partikular na rito ang sari-saring fees at charges sa mga certificates at clearances na makukuha sa mga tanggapan ng gobyerno.
Ang mga indigent job applicants, mapa-lokal man o sa ibang bansa ay mapagkakalooban ng 20% discount sa kanilang mga bayarin sa kinakailangang papeles.
Para sa senadora, kung maisasabatas lamang ito, mapalalakas muli ng bansa ang ating work force na napahina ng COVID-19 pandemic.
Lumabas kasi sa ulat ng Department of Labor and Employment (DOLE) na 420,000 Filipinos ang nawalan ng hanap-buhay noong 2020 dahil sa pagsasara ng kanilang pinapasukang trabaho.